Panibagong linggo na naman ng taas-presyo sa diesel ang aasahan ng mga motorista.
Ayon sa Unioil Petroleum Philippines nitong Sabado, Agosto 5, ang diesel ay tataas ng P3.70 hanggang P3.90 kada litro, habang ang gasolina ay tataasan ng P0.20 hanggang P0.40 kada litro.
Ito ay kasunod lamang ng big time taas-presyo sa mga produktong petrolyo nitong linggo na P3.50 sa diesel, P2.10 sa gasolina at P3.25 sa kerosene.
Ikalimang sunod na linggo na ito ng taas-presyo sa diesel at kerosene, at ika-apat na linggo sa gasolina.
Ang price adjustment ng Unioil ay kapareho sa pagtaya ng Oil Industry Management Bureau na nagsabing ang presyo sa kada litro ng diesel ay posibleng tumaas ng P3.40 hanggang P3.60.
Ang taas-presyong ito ng Unioil ay dahil sa production cut sa langis sa Saudi Arabia.(Anna Gob)