Patay ang dalawang sakay ng motorsiklo noong Huwebes, Agosto 10 ng madaling araw matapos mabangga ang kanilang sasakyan ng pampasaherong van sa kahabaan ng Maharlika Highway, Calauag, Quezon.
Ayon sa Quezon police, minamaneho ni Bobette Adoni, 35-anyos ang kaniyang motorsiklo at back rider na si Aldy Sollestre nang mabangga sila bandang 1:20 ng madaling araw ng commuter van na minamaneho ni Robert Marivalles sa highway sa Barangay Sumulong.
Ang dalawang rider ay nagtamo ng matinding pinsala at namatay habang dinadala sa isang ospital.
Sinabi ng mga imbestigador na ang van na lulan ng siyam na pasahero ay nag-overtake sa isa pang sasakyan at inokupa ang tapat na linya na nagresulta sa banggaan. Agad na nakatakas si Marivalles matapos ang banggaan.
Ayon sa pulisya, nagkaroon ng pag-uusap ang dalawang panig o amicable settlement.
Ang mga biktima ang ika-10 nasawi sa motorcycle accident sa Quezon mula noong Hulyo 29.
Noong Miyerkoles, Agosto 9, hindi bababa sa anim na nakamotorsiklo ang nasangkot sa magkahiwalay na road accident, ayon sa mga ulat mula sa Quezon provincial police office. (Anna Gob)