PANUKULAN, Quezon- Patuloy ang search operation ng Philippine Coast Guard (PCG) para sa tatlong mangingisda na napaulat na nawawala sa karagatan na sakop ng bayang ito.
Sinabi ng PCG-Southern Tagalog na nakatanggap ang kanilang istasyon ng impormasyon mula kay Gereme Eracho, hepe ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO)sa Panukulan, na ang kanilang tatlong lokal na mangingisda ay nawawala mula noong Hulyo 22 bago ang pananalasa ng Bagyong “Egay.”
Kinilala ang mga nawawalang mangingisda na sina Elbert Sonoron (kapitan ng bangka), Roberto Sonoron, at Ronnie Mirilos.
Sinabi ng PCG na ang mga nawawalang mangingisda ay nakipagsapalaran pa rin sa isang fishing expedition noong Hulyo 22 sa gitna ng mga babala ng paparating na bagyo.
Hindi agad inireport ng pamilya sa awtoridad ang kanilang mga nawawalang mahal sa buhay sa paniniwalang sumilong lamang sila para makaiwas sa bagyo.
Ang Panukulan at dalawa pang munisipalidad ng Polillo at Burdeos ay matatagpuan sa Pulo ng Polillo sa labas ng Lamon Bay na nakaharap sa Karagatang Pasipiko sa hilagang bahagi ng lalawigan.
Ang mga tauhan ng PCG ay nagsasagawa ng coastal at shore patrols sa paligid ng isla para hanapin ang tatlong mangingisda. (Anna Gob)
PCG District Southern Tagalog