Nadakip ang suspek sa brutal na pagpatay sa isang architecture student na si Eden Joy Villacete sa Occidental Mindoro noong Hunyo 30, matapos itong arestuhin sa Metro Manila noong Biyernes.
Itinago ng pulisya ang pagkakakilanlan ng suspek habang hinihintay ang paghahain ng kasong pagpatay sa opisina ng piskal ng Occidental Mindoro.
Sinabi ni Col. Jun Dexter Danao, Police Director ng Occidental Mindoro at Commander ng Special Investigation Task Group o SITG na natukoy nila ang pagkakakilanlan ng suspek sa pamamagitan ng CCTV.
Ayon pa kay Danao, inamin na ng suspek ang krimen at sinabing wala siyang intensiyon na patayin si Villacete, ngunit nagising umano ang biktima mula sa pagkakatulog nito at nang makita ang suspek ay nagtangkang manlaban sanhi upang siya ay pagsasaksakin.
Nagtamo ng walong saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima mula sa kutsilyo ng suspek.
Ang hubad at nagsisimula nang maagnas na katawan ni Villacete ay nadiskubre matapos na magreklamo ang mga kapitbahay nito makaraan silang makaamoy ng masangsang na mula sa bahay ng nasabing estudyante. ( Sol Luzano)