Isang babaeng tumatawid at isang motorcycle rider ang namatay sa magkahiwalay na aksidente sa lalawigan ng Quezon noong Sabado, July 29, ayon sa pulisya.
Ayon sa ulat ng Quezon Police noong Linggo, Hulyo 30, binabaybay ng nakamotorsiklong si Rommel Medrano, 36 anyos at ng kaniyang back rider na si Merriam Castillo, 31 anyos ang Maharlika Highway sa Barangay Madlandungan, Calauag, Quezon dakong alas-10 ng gabi nang biglang mawalan ng kontrol ang driver sa sasakyan matapos niyang tapakan ang preno dahil sa madulas na semento.
Parehong nagtamo ng mga sugat ang mga biktima at dinala sa pinakamalapit na ospital, ngunit idineklarang dead on arrival si Medrano.
Samantala, sa bayan ng Catanauan, dead on the spot si Mila De Gala, 54 anyos, matapos mabangga ng Toyota Hilux pick-up na minamaneho ni Mark Kaven Rogel, 34, habang siya ay tumatawid sa national road sa Barangay Matandang Sabang Silangan dakong 6:35 ng umaga.
Si Rogel ay nasa kustodiya na ng pulisya. (Anna Gob)