
Pansamantalang sinuspinde ng Philippine Coast Guard (PCG) ang biyahe ng maliliit na sasakyang pandagat sa Southern Quezon matapos itaas ang Storm Signal No. 1 dahil sa tropical cyclone na “Egay” nitong Lunes, Hulyo 24.
Sinabi ni PCG-Southern Quezon Commander Janus Robinson Sabas na sakop ng suspensyon ang mga bayan ng Pitogo, San Andres, Buenavista, San Francisco, Calauag, Lopez, Catanauan, Mulanay, Guinayangan, Unisan, General Luna, Plaridel, Quezon, Alabat, Padre Burgos, Macalelon, Mauban, Perez, Agdanganan, Gumaca, Atimonyan at Tagkawayan.
Pahayag pa ni Sabas na ang pagsuspinde ay alinsunod sa PCG-National Headquarters Memorandum Circular 02-23 “Revised guidelines on the movement of vessels during heavy weather.”
Pinaalalahanan ni Sabas ang mga may-ari ng mga sasakyang pandagat na sumunod sa precautionary measures at patuloy na subaybayan si Egay.
Magpapatuloy aniya ang biyahe sa dagat kapag bumuti ang lagay ng panahon. (Anna Gob)
PCG-Port of Lucena