BATANGAS- Ibinida ng Batangas Office of the Provincial Agriculturist (OPAg) ang community food market na kung saan mabibili ang iba’t ibang mga produkto ng mga samahan ng mga magsasaka at mangingisda gayundin ng mga micro, small, at medium enterprises (MSMEs) sa lalawigan.
Layunin ng community food market program na mailapit sa merkado ang mga produkto ng mga magsasaka at mangingisda, mapataas ang kanilang kita at maiangat ang kabuhayan.
Ayon sa OPAg, simula Pebrero 2023, anim na beses nang nakapagsagawa ng community food market sa loob ng bisinidad ng pamahalaang panlalawigan na malugod namang tinangkilik ng mga kawani ng Kapitolyo at mga residente sa paligid nito.
Tinatayang ₱712,000.00 ang kabuoang kita ng naturang programa.
Sinabi ni Provincial Agriculturist Dr. Rodrigo Bautista na magpapatuloy ang food market upang mailapit ang palengke sa mga kababayan alinsabay ng pagtataguyod ng mga produktong Batangueño at mas makilala pa sa ibang parte ng mundo.
Nagpaabot din ito ng pasasalamat kay Gov. Hermilando “DoDo” Mandanas sa patuloy na pagsuporta gayundin sa iba pang nakikibahagi sa programang ito.
Una nang inilunsad ang programa noong Mayo 2022 kung saan nakapagtala ng mahigit ₱1.8-milyon ang kinit anito. Dumami rin ang mga asosasyon ng mga magsasaka at mangingisda, kooperatiba at MSMEs ang nakilahok dito.
Ayon sa OPAg, ang mainit na pagtanggap ng mga mamimili at mataas na kita ay bunga rin ng Good Agricultural Practice (GAP) na siyang ginagamit na panuntunan ng tanggapan upang masiguro na de-kalidad, malinis, ligtas at maayos ang mga produktong itinitinda dito.
Ayon naman sa pahayag ni Ian Recio, kinatawan ng Department of Trade and Industry (DTI) Batangas ang kahandaan ng kanilang ahensya upang mas mapaunlad ang Community Food Market sa pamamagitan ng programang One Town One Product (OTOP) Hub.
Muling magsasagawa ang lokal na pamahalaan ng community food market sa kapitolyo sa darating na Hulyo 14 at 28, 2023. I Anna Gob
Larawan: PIA Batangas