Inaresto ng pulisya ang tatlong big-time drug pusher sa ikinasang buy-bust operation sa Antipolo City, Rizal bago maghatinggabi noong Biyernes, Hulyo 21.
Sa ulat nitong Sabado, sinabi ng Police Region 4A na inaresto ng mga anti-narcotics operatives sa Antipolo City sina Benedicto Santos, Laychelle Ikida, at Marciano Perez dakong alas-11 ng gabi. matapos magbenta ng “shabu” o crystal meth sa isang poseur buyer sa Barangay Dalig.
Nasamsam ng mga otoridad ang siyam na plastic sachet ng shabu na may bigat na 20 gramo na tinatayang nasa P136,000 ang halaga sa Dangerous Drugs Board.
Bukod sa shabu, narekober din ng mga operatiba ang dalawang mobile phone na isasailalim sa digital forensic examinations kung may mga record ang mga ito ng transaksyon ng droga. Ang mga suspek ay pawang klasipikadong “high-value” target sa kampanya ng gobyerno laban sa iligal na droga.
Nahaharap ang mga ito sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Anna Gob)