Nasamsam mula sa isang train mechanic at van driver ang P1 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa ikinasang buy bust operation nitong Biyernes, Agosto 4 sa Purok 1, Barangay 3, Lucena City.
Kinilala ng pulisya ang mga suspek na sina Edison Villegas, alyas “Edwin,” binata, 40-anyos, residenteng Barangay Isabang, at Francisco Ureta, alyas “Acal,” 62 anyos, residente ng Barangay Bagumbayan, Mauban, Quezon.
Ayon kay Quezon police chief Police Col. Ledon Monte, ang dalawang suspek ay kabilang sa street-level individuals kung saan nakuha rito ang 11 sachet ng shabu na may timbang na 52.1 gramo at may street value na P1,062,840.
Narekober din sa mga suspek ang cellphone, van na may license plates NDC2403, at marked money.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Sol Luzano)